Nabuking na ibinebenta online ang isang nakaw na motorsiklo sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Arestado naman ang suspek nang magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis.
Ayon sa pulisya, nasa probinsiya ang may-ari ng motorsiklo nang maganap ang krimen. Nalaman lang daw nito na nawawala ang kaniyang motorsiklo pag-uwi niya.
Matapos makitang ibinebenta online ang kaniyang motorsiklo ay agad daw nakipag-ugnayan ang may-ari sa pulisya, na agad namang nagkasa ng entrapment operation.
Pumayag ang suspek na makipagkita sa nagpanggap na buyer matapos magkasundo sa halagang P57,000.
Sa isang gasolinahan sa Quirino Highway naganap ang entrapment. Dito nahuli ang 18-anyos na suspek na si Angelo Gabriel Limbo, na tumangging magbigay ng pahayag.
Nabawi ang nanakaw na motorsiklo habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Law at Anti-Fencing Law ang suspek.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang pulisya para mahuli ang kasamahan ng suspek. —KBK, GMA News