Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing boluntaryo na lang at hindi na sapilitan ang pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay, o sa mga open space, ayon sa Malacañang nitong Miyerkoles.
Sa isang punong balitaan, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na inirekomenda ng IATF na ang publiko na ang magpapasya kung nais pa nilang magsuot ng face mask sa open spaces o hindi matataong lugar na may maayos na bentilasyon.
“Doon sa IATF, ang kanilang rekomendasyon ay pag-liberalize ng ating mask wearing mandate and make mask wearing outdoors voluntary across the country,” saad ni Angeles.
Muling nagpulong ang IATF nitong Lunes para talakayin ang mga rekomendasyon sa patakaran tungkol sa face mask na ipipresenta sa tanggapan ng Pangulo.
Isinagawa ang pagpupulong matapos magpatupad ng Executive Order ang pamahalaan ng Cebu City na ginagawang boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga bukas na lugar sa lungsod.
Sinabi naman ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na batid na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang rekomendasyon ng IATF.
"There is a verbal approval from the President when they talk to Secretary Benhur from DILG," patungkol ni Vergeire kay Secretary Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government.
Bagaman inaasahan ni Vergeire na kaagad na magpapalabas si Marcos ng executive order tungkol dito, hindi niya masabi kung kailan.
“Everything is being prepared. Nakipag-usap na rin naman po tayo. We’ll just wait for the issuance. But definitely, and we think based from the feedback, talagang pabor naman ang Presidente, so the executive order can be issued immediately,” dagdag ng opisyal.--Jamil Santos/FRJ, GMA News