Arestado ang dalawang suspek na nangbudol umano sa isang online seller sa Pasig City.

Nagpanggap na buyer ang suspek at nagpadala ng mga edited na proof of payment sa mga supply na kanilang binibili.

Iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkules na ang biktima ay isang may-ari ng computer shop sa Pasig.

Ayon sa ulat, kinailangang isara ng biktimang si Michael Sison ang kanyang shop dahil sa COVID-19 pandemic, at ang kabuhayan na lamang niya ay online selling ng computer supplies.

Pero sa halip na makatulong umano sa kanya ang pag-"add to cart" ng mga customer, na-"add to budol" victims pa umano siya matapos niyang madiskubre na peke at edited ang proof of payment screenshots na ipinapadala sa kanya ng main suspek.

Umabot din sa humigit-kumulang sa P70,000 ang halaga ng computer supplies na natangay mula sa kanya.

Nang makahalata si Michael na peke ang mga proof of payment, kaagad siyang nagsumbong sa Eastern Police District Anti-Cybercrime Group.

Nang omoder pa uli ang main suspek na kinilalang si Greg Jose Gonzalo, agad na nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis.

Natunton ng mga pulis ang address kung saan ipinadala ang mga order at ang address na pinasahan ng pangunahing suspek sa mga computer supply.

Nahuli si Gonzalo at ang kasabwat niyang kinilalang si Virgilio Agito.

Nabawi ng mga pulis ang huling inorder na computer supplies na nagkakahalaga ng mahigit P46,000.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang mga suspek at nahaharap sa reklamong estafa. —GMA News