Huli sa CCTV ang panloloob sa isang bahay sa Muntinlupa kung saan nasa P200,000 halaga ng mga ari-arian ang natangay, ayon sa ulan ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Nakasuot ng hood at nakayuko maglakad ang suspek nang masapul ng CCTV habang ginagawa ang panloloob.

Kabilang sa mga natangay ng salarin ay mamahaling laptop, relos, cellphone at mountain bike.

Agad na nagkasa ng operasyon ang pulisya matapos magsumbong ang mga biktima. Dahil dito, agad na nahuli ang suspek na kinilalang si Eno Almonalida.

"We are able to generate all possible suspects and later po naging successful ang ating identification that led to the arrest of the suspect and the confiscation of all stolen items," ani Police Colonel Angel Garcillano, hepe ng Muntinlupa Police.

Ayon kay Almonalida, nasa ospital ang anak niya kaya niya nagawa ang krimen. Pinagsisisihan daw niya ang kaniyang nagawa at sana raw ay mapalaya siya bago ang Pasko.

Laking tuwa naman ng mga biktima dahil hindi raw nila akalain na mababawi pa nila ang mga kagamitang nanakaw sa kanila. —KBK, GMA News