Galing sa biyahe mula sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, ang unang kaso ng monkeypox sa Hong Kong.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng health officials na sumama ang pakiramdam ng 30-anyos na pasyente habang naka-hotel quarantine.

Dumating umano sa Hong Kong ang pasyente noong Lunes, at kaagad na dinala sa ospital nang sumama ang pakiramdam, ayon sa health official na si Edwin Tsui.

Napag-alaman na obligadong manatili mula sa hotel ng tatlong araw ang mga bumibisita sa Hong Kong na bahagi ng kanilang zero-COVID strategy.

Wala umanong contact sa komunidad ang pasyente na itinuturing "imported case," sabi pa ni Tsui.

"Very low" umano ang peligro na mahawahan ang mga residente ng Hong Kong sa naturang virus, ayon sa opisyal.

Lumitaw na nanggaling ang pasyente sa Amerika noong nakaraang buwan, at may isang linggo sa Canada, bago lumipad sa Pilipinas, at saka tumuloy sa Hong Kong, patuloy nito.

Kabilang sa sintomas ng pasyente ang skin rashes, pamamaga ng kulane at sore throat, ayon sa health officials.— AFP/FRJ, GMA News