Isang lalaking may kasong rape noon pang 2017 ang inaresto ng mga pulis-Maynila sa isang kapihan sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Carl Jefferson Yrisarry, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Ayon sa pulisya, naghain ng reklamo ng rape ang isang model na nakilala raw online ng suspek. Nagpakilala raw na photographer ang suspek.
"Accordingly, gagawin niyang model sa photo shoot ng cosplaying. So 'yung mga anime ito eh. So from there on, nagkasundo silang mag-meet somewhere in Pasay," ani Police Major Dave Garcia, assistant chief ng Manila Police District-District Special Operation Unit (MPD DSOU).
Pumasok daw sa hotel ang suspek at ang model para sa photo shoot. Subalit walang photo shoot daw na nangyari at sa halip ay pinagsamantalahan umano ng suspek ang modelo.
Nagtago raw ang suspek ngunit natunton siya ng mga pulis. Dalawang linggo siyang minanmanan bago inaresto.
Ayon naman sa suspek, wala siyang maalalang ganoong nangyari. Hindi rin daw siya photographer.
"Wala na po akong maalala," aniya.
Nagbigay naman siya ng mensahe sa biktima.
"Kung sakali mang nanonood ka or what or kung anoman, sana if ever na magharap tayo or kung magkaayos man or kung magpakilala ka sa akin, puwede naman po, wala naman pong problema. Kung anoman po, kung gusto niyong luhurin ko po ay gagawin ko po para mapatawad niyo ako sa pinaparatang niyo po sa akin," dagdag niya.
Nasa custodial facility na ng MPD DSOU ang suspek. —KG, GMA News