Dalawang suspek ang inaresto ng mga awtoridad matapos nila umanong nakawin ang halos P60,000 na halaga ng mga kable ng internet sa Sampaloc, Maynila.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang dalawang suspek sa Miguelin Street sa Barangay 475 na tila may nire-repair lang sa isang bubungan. Ang isa ay nasa hagdan habang nasa ibaba naman ang kasama nito, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Subalit alerto ang mga residente at agad itinawag ang insidente sa barangay.
Nakita ng mga taga-barangay sa CCTV na naroon pa ang mga suspek na nakatambay sa labas kaya tumawag agad sila sa Manila Police District (MPD).
Kaagad naaresto ang mga suspek na nakilalang sina Tito Arce at Ali Andre Sarif.
Nakumpiska sa kanila ang sampung metro ng mga kable ng internet na tinatayang nagkakahalaga ng P57,000.
Ayon sa mga suspek, binabalatan nila at sinusunog ang mga kable para makuha ang tanso sa loob nito. Ibinebenta naman nila ang nakuhang tanso sa junk shop sa halagang P310 per kilo.
Inamin ng mga suspek ang krimen at sinabing wala na silang makain at walang pambili ng pagkain dahil nasunugan sila.
Sinabi pa ng mga suspek na naunang manguha ng mga kable ng internet ang taga-kabilang barangay, at iyong pinagputulan lang nila ang kanilang kinuha.
Nitong nakaraang linggo, naaresto ang isang suspek na kinilalang si Alyas Payat sa kabilang barangay dahil sa pagnanakaw umano ng mga kable ng internet. Pansamantala siyang nakalaya.
Hawak na ng MPD Station 4 ang dalawang suspek at makakasuhan sila ng theft.
Apat na beses na raw nangyari ang pagnanakaw ng mga kable ng internet sa Miguelin Street. Hindi raw kasi matao sa lugar na ito, ayon sa mga awtoridad. —KG, GMA News