Hinikayat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Biyernes ang publiko na iwasan ang paggamit ng "Taglish," o kombinasyon ng Tagalog at Ingles, sa pakikipag-usap o komunikasyon dahil magkakaiba umano ang istruktura ng dalawang lengguwahe.
"'Yung mga batang gumagamit ng Taglish ay ibang level po kasi 'yon. Iba 'yung Filipino sa akademya na pormal. Ito po kasi, ang paggamit ng Taglish ay hindi ho sinasang-ayunan dahil ang dalawang wika, ang English at Filipino ay nasisira ang istruktura," paliwanag ni Arthur Casanova, tagapangulo ng KWF.
"Kaya kapag nagta-Taglish ang mga mamamayan, hindi lang ho kabataan, marami rin tayong mga may edad na nagta-Taglish, at iyon po ay dapat nating iwasan. Kasi mas gugustuhin po ang pagsasalita sa wikang Filipino nang diretso at pagsasalita sa wikang Ingles nang diretso na hindi nasisira ang istruktura ng anuman sa dalawang wika," dagdag ni Casanova.
Nilinaw naman ni Casanova na hindi siya tutol sa paggamit ng Ingles ng mga Pilipino. Katunayan, mas mabilis pa umanong matuto sa Ingles ang ilang kabataan dahil ito ang ginagamit na lengguwahe sa mga gadget.
"Mahalaga rin naman po na ang mga bata ay marunong sa wikang Ingles. Ngunit binibigyang diin ko po na dapat higit na pahalagahan ang ating wikang pambansang Filipino," giit ng opisyal.
Sinabi ni Casanova na ang Pilipinas ay isang bilingguwal na bansa, na isinaad sa Konstitusyon na parehong Ingles at Filipino ang mga opisyal nitong lengguwahe.
'Pilipinas' sa 'Filipinas'
Samantala, sa pagsusulong ng kasalukuyang pamunuan ng KWF na ibalik sa "Pilipinas" ang baybay ng pangalan ng bansa, sinabi ni Casanova na hindi nito itatapon ang mga nakaraang materyales pang-edukasyon na gumagamit ng baybay na "Filipinas," na isinulong ng nagdaang liderato ng komisyon.
"Hindi po natin itatapon ang mga materyales na 'yan dahil milyon-milyon po ang halaga ng mga 'yan. Ang amin po kasi ay gamitin pa rin ang mga materyales na ang baybay ay 'F' o 'Filipinas'..." aniya.
Gayunman, hinikayat ni Casanova ang mga opisyal at guro sa mga paaralan na ipaliwanag sa mga estudyante ang dahilan ng naunang pagpapalit sa "Filipinas" mula sa "Pilipinas."
Matatandaang sa pamumuno ni National Artist for Literature Virgilio Almario, sa KWF noong 2013, isinulong niya ang baybay na "Filipinas" sa halip na "Pilipinas" bilang opisyal na baybay sa pangalan ng bansa.
Iginiit ni Almario na "Filipinas" ang orihinal na pangalan ng bansa, na pinangalanang "Las Islas Filipinas" ng mga Espanyol noong ika-14 siglo.
Sinabi niya ring ang "Filipinas" ay nakabase sa bagong Filipinong alpabeto na binubuo ng 28 titik.
Samantala, sinabi ni Casanova na matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika nitong Agosto.
Nakatakda namang magsagawa ang komisyon ng pambansang kongreso tungkol sa mga nanganganib na wika sa Oktubre.
Ayon sa tagapangulo ng KWF, may 130 wika ang Pilipinas, kung saan 11 o higit pa rito ay nanganganib, kaya dapat itong pangalagaan at bigyan ng halaga para hindi maglaho o mamatay.-- FRJ, GMA News