Ginahasa at pinatay ang 22-anyos na si Jovelyn Galleno na ilang linggong hinanap sa Palawan. Kaugnay nito, sinampahan ng reklamong rape with homicide ang dalawang pinsan ng biktima.
“Kung makikita niyo yung rape with homicide, yung nangyari sa Palawan kay Miss Jovelyn, this morning we just filed a case against the perpetrators,” ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa Palace briefing nitong Miyerkules.
Inihayag ito ni Azurin kasunod ng pagpresenta niya sa datos ng PNP kaugnay sa mga insidente ng pagpatay at pagdukot na iniimbestigahan ng pulisya.
Sa panayam ng GMA News Online, kinilala ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang mga pinsan ni Galleno na sinampahan ng reklamong rape with homicide na sina Leobert Dasmariñas at Jovert Valdestamon.
Inihain ang naturang reklamo sa Puerto Princesa City Prosecutor's Office.
Nitong Martes, inihayag ng PNP na nakumpirma sa DNA test result na si Galleno ang nakitang kalansay noong nakaraang linggo, na mahigit dalawang linggo nang pinaghahanap.
Una rito, sinabi ni Puerto Princesa Police spokesperson Police Captain Maria Victoria Iquin, na nagsaksakan matapos ang matinding pagtatalo sina Dasmariñas at Valdestamon.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring pananaksak, umamin umano ni Dasmariñas kung nasaan si Galleno at kung ano ang ginawa nila sa biktima.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang masukal na lugar sa Barangay Santa Lourdes noong August 23, at doon nakita ang mga gamit ni Galleno at ang kalansay.
Upang makumpirma kung si Galleno talaga ang kalansay, isinailalim ito sa DNA test at nakumpirma ang resulta nitong Martes.--FRJ, GMA News