Nilinaw ng Palasyo na wala pang itinatalaga si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na bagong commissioner ng Bureau of Immigration (BI). Ang iniulat na umano'y lumabas na appointment paper, peke at hindi raw pirma ng pangulo ang nakalagay sa dokumento.
Nitong Martes, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na inatasan na ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police, na imbestigahan ang sinasabing panggagaya sa pirma ng pangulo at sa umano'y pekeng appointment paper.
"Kahapon may lumabas na mga news report tungkol sa appointment sa posisyon ng Immigrations commissioner. Kasama ng announcement na iyon ay isang dokumento na nag-a-attest to the appointment," sabi ni Cruz-Angeles.
"Tungo dito at matapos ang pagtatanong at pagsisiyasat, wala pong dokumento na ganoon sa PMS, sa Presidential Management Staff, sa Office of the Press Secretary or sa Office of the President. Walang record ng dokumento na 'yon," dagdag ng opisyal.
Nitong Lunes, inalam muna ng mga mamamahayag sa OPS ang impormasyon tungkol sa pagkakatalaga umano ng bagong BI commissioner.
Pero itinanggi ito ng OPS sa inilabas nilang pahayag.
"We have confirmed with the Presidential Management Staff (PMS) - - which conducts complete staff work on such appointments - - that no document for the said position has been issued," ayon sa OPS.
Sa iniulat na umano'y appointment paper [hindi sa GMA News Online], makikita ang tila pirma ni Marcos at 'seal' ng gobyerno.
Ayon kay Cruz-Angeles, ipinagbabawal sa batas ang paggaya sa pirma ng pangulo at paggamit sa official seal ng pamahalaan.
"Ayon sa Revised Penal Code Article 161, ang pag-forge ng great seal of the government, signature ng Presidente o stamp ng Presidente ay pinaparusahan ng reclusion temporal, reclusion temporal po ay 12 to 20 years," paliwanag ni Cruz-Angeles na isang abogado.
"Tungo dito nag-utos ng imbestigasyon through the secretaries sa NBI at sa PNP, through the respective secretaries... Nasa unique position po ang ating media lalong-lalo na doon sa nagdala ng istorya na makapagbigay ng impormasyon tungkol sa source ng dokumentong ito," dagdag niya.
Ayon pa kay Cruz-Angeles, may maitutulong ang mga mamamahayag na nag-ulat ng tungkol sa naturang pekeng appointment para mahanap ang dapat managot sa batas.
"Hindi kami nananakot ha ng media, as a matter of fact ang sinasabi natin may pagkakataon ang media na matulungan magbigay ng impormasyon sa ating law enforcement agencies, ang nagiging liability is kung knowingly ginamit 'yung dokumento o kasangkot doon sa pag-issue ng dokumento na 'yun na nalalaman na hindi po ito tunay o totoo," paliwanag ng opisyal.
Nagbabala rin siya na maaaring gamitin pa sa iba ang ginawang panggagaya sa pirma ng pangulo.
"Tandaan po natin na signature ng ating Pangulo ang pinaghihinalaan nating na-forge so medyo mabigat po 'yung implications niyan. Hindi rin natin alam kung ano ang maaaring paggamitan ng ganoong klase ng dokumento. It can cause not just confusion but further crimes kaya with this in mind, nag-order siya ng investigation," ayon kay Cruz-Angeles.
Tiniyak din ni Cruz-Angeles, na may kakayanan at gamit ang NBI at PNP para sumuri ng mga pinagdududahang dokumento.—FRJ, GMA News