Nalaglag sa prestihiyosong The RING bantamweight ranking ang dating Pinoy three-division champion na si John Riel Casimero. Ang pangarap niyang makasagupa na Japanese champ na si Naoya Inoue, ang British champ na si Paul Butler ang makakaharap sa Disyembre.

May isang taon nang hindi lumalaban si Casimero, na tangan ang fight record na 31-4 with 21 knockouts.

Huli niyang nakasagupa sa ring si Guillermo Rigondeaux noong August 2021 kung saan nanalo ang Pinoy champ via split decision.

Pero dalawang sunod na laban niya kontra sa challenger na si Butler ang hindi natuloy. Una noong Disyembre nang kanselahin ang laban dahil isinugod sa ospital si Casimero bunga ng gastritis sa araw ng kanilang weigh-in.

Sumunod naman noong Abril, nang idiskuwalipika si Casimero dahil sa paglabag sa British Boxing Board of Control rule na nagbabawal sa mga fighter na mag-sauna para magbawas ng timbang.

Dahil sa pangyayari, inalis na kay Casimero ang WBO bantamweight bet, at ipinalit sa kaniya ang Pinoy na si Jonas Sultan, para labanan si Butler ang WBO interim bantamweight title.

Nanalo si Butler via unanimous decision.

Bagaman natanggal si Casimero sa The RING bantamweight ranking, umangat naman sa listahan bilang no.6. ang Pinoy boxer na si Vincent Astrolabio.

Inoue vs Butler

Samantala, iniulat ng ESPN na matutuloy na sa Disyembre ang paghaharap nina The RING, WBC, WBA, at IBF world champion Inoue, kontra sa WBO world interim champ na si Butler.

Mayroong malinis na fight record si Inoue na 23-0 with 20 knockouts. Nito lang Hunyo, pinatumba niya ang Pinoy boxing legend na si Nonito Donaire Jr.

Samantala, may 34-2, 15KOs si Butler, na huling nakalaban ang Pinoy na si Sultan kung saan niya napanalunan ang WBO interim bantamweight title.

Kapag nanalo si Inoue, madadagdag sa baywang niya ang WBO belt, na dating hawak ni Casimero.--FRJ, GMA News