Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA)na nabawasan ang suplay ng kamote sa bansa sa harap ng pagtaas ng presyo nito.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng DA na nagsimulang mabawasan ang suplay ng kamote noong nakaraang buwan.

“Hindi masyadong lalaki ang kamote kapag tag-ulan. Sa ngayon, tag-ulan, kulang ‘yon. Talagang kulang (ang suplay),” ayon kay DA Undersecretary Domingo Panganiban.

“Medyo kakaunti ngayon pero pagdating na ng October, November, December, hindi na apektado ‘yan dahil lalaki na. At least, mumura na ‘yan,” paliwanag pa ng opisyal.

Sa Balintawak market, nagkakahalaga ang isang kilo ng kamote sa P45, mas mataas sa dati nitong presyo na nasa P25 hanggang P35 per kilo.

Sinabi rin ni Panganiban na nanggagaling ang mga kamote mula sa Central Luzon, Southern Tagalog, ay Northern Luzon — na hinagupit kamakailan ng bagyong Florita.

Inatasan na umano niya ang Bureau of Plant Industry na kumuha ng datos upang alamin kung hanggang ilan ang ibinaba ng suplay ng kamote.

Sa nakalap na impormasyon ng GMA News Research team mula sa Philippine Statistics Authority, lumilitaw na tumaas ang produksyon ng kamote sa bansa sa 278,330 metric tons mula Enero hanggang Hunyo 2022. Kumpara ito sa 273, 090 MT na inani sa kaparehong panahon noong 2021.--FRJ, GMA News