Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) na itaas ang suggested retail prices ng asin dahil ilan taon na raw hindi gumagalaw ang presyo nito.

Sa inilabas na bulletin noong August 12, 2022, inaprubahan ng DTI ang presyong P21.75 para sa 500 grams ng iodized rock salt, at P23.00 para sa one kilogram.

Sa iodized salt, ang SRP para sa 100-gram pack ay P4.50; habang P9.00 hanggang P11.75 sa 250 grams; mula P16.00 hanggang P21.25 sa 500 grams; at P29.00 sa one kilogram.

Ayon kay Undersecretary Ruth Castelo, anim na taon na ang nakalilipas nang huling gumalaw ang presyo ng asin sa bansa.

Nilinaw din niya na walang kakulangan sa suplay ng asin.

“On the issue of supply, we have sufficient supply kasi marami tayo… We have three or four large companies na gumagawa ng asin tapos meron pa tayong mga imported,” paliwanag niya sa public briefing.--FRJ, GMA News