Arestado sa Makati City ang tatlong lalaki na sangkot umano sa bagong "modus" na nananakot at manghihingi ng pera sa mga taong hindi makapagbabayad ng car loan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Super Radyo DZBB nitong Biyernes, sinabing naging maaksyon ang pagdakip ng tatlong suspek sa parking lot ng isang condominium sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronald Fabiano Palad, 46-anyos; Florence Mendoza, 28-anyos; at Joel Berdin, 49-anyos, mga empleyado umano ng isang kompanyang konektado sa isang bangko na bumabatak sa mga sasakyang hindi nababayaran ang buwanang hulog.
FLASH REPORT: Tatlong miyembro ng tinaguriang Batak Re-posses Kotse Gang, arestado ng PNP-CIDG sa Makati City. | via @MSumangil @gmanews pic.twitter.com/9ObykfGPRS
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 12, 2022
Sa halip na sa wastong proseso, tinatakot at hinihingan umano ang mga suspek ng pera ang mga may utang sa bangko o hindi nakakapagbayad sa car loan.
Kahit walang permiso mula sa bangko o hukuman, nagbabanta umano ang mga suspek na babatakin o kukunin nila ang sasakya kung hindi makapagbabayad ng utang ang kanilang bibiktimahin.
Para hindi nila batakin ang sasakyan, hihingan na lang nila ng pera ang biktima at sasabihin na bibigyan pa ng palugid kahit hindi totoo.
Nalaman ang modus ng grupo nang biktimahin nila ang isang piskal na bayad na pala sa bangko ang car loan.
Nagsumbong sa pulisya ang piskal kaya inilatag ang entrapment operation kaya naaresto ang mga suspek.
Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang at handa raw silang pangatawanan ang kanilang sinasabi.
Ayon sa pulisya, bago sa kanila ang modus na kanilang nadiskubre. Nagpayo sila sa publiko na sa bangko direktang makipagtransaksiyon. --Jamil Santos/FRJ, GMA News