Arestado ang isang lalaki na nahulihan ng P10.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu na isinilid sa isang Chinese tea bag sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Jason Estrada, na dinakip sa buybust operation sa bahay na kaniyang tinutuluyan sa Barangay San Bartolome.
May timbang na 1.5 kilo ang shabu na nakumpiska mula kay Estrada.
Sinabi ng Malabon Police na dating nagbebenta si Estrada sa Malabon ngunit nagtago.
"Isang buwan natin minanmanan ang operation natin sa subject natin, not knowing na four months na pala siya ritong nakatira, kasi mahilig siya doon sa Malabon. Pero 'yung market niya, mapapansin niyo, doon din siya nagbibitaw kasi nandoon 'yung mga kakilala niya," sabi ni Police Colonel Von June Nuyda, Chief of Police ng QCPD Station 4.
Linya umano ni Estrada ang robbery-holdup at nakulong noong 2016. Doon na umano nagsimula ang mga transaksiyon ng suspek sa droga.
Inamin ni Estrada na mga Chinese ang pinagkukuhanan niya ng droga. Hinihinala ng mga awtoridad na maaaring iisa lang ang source ng suspek at ng iba pang nahuling nagbebenta ng shabu na nasa Chinese tea bag.
Dagdag ni Nuyda, sinabi ni Estrada na hindi niya kilala ang Chinese na nagdadala ng droga. Sa harap lang daw gate ito pumupunta at doon na rin inaabot ang droga at bayad.--Jamil Santos/FRJ, GMA News