Inihayag ni dating Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na tumutulong lang siya kaya nasa pulong siya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na pinuna ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, binalikan ang post sa Facebook ni Enrile tungkol sa lumabas na larawan ng pulong ng MMDA na dinaluhan ni Defensor.
Inusisa ni Enrile kung anong ginagawa ni Defensor sa pulong na pinangunahan ni acting MMDA chairman Carlo Dimayuga.
“What was Mike Defensor doing in that picture of the official function of Metro Manila Development Authority that was published in social media? Was he an official, a consultant, an adviser, a factotum of some sort of MMDA? He was a candidate and loser in the last election, wasn't he? What was he in that picture? The boss of MMDA?," tanong ni Enrile sa kaniyang Facebook page.
“Is that now a proper decorum in our current political world? I suggest we should be very careful in not carelessly showing an arrogance of power in our behavior as public persons, especially if we are somewhat identified with the current regime. Please ladies and gentlemen be careful! The public is watching,” dagdag niya.
Bilang chief counsel ng pangulo, sinabi ni Enrile na mayroon siyang, “legal and moral duty to protect Marcos from those who tend to take undue advantage of his kindness and seeming closeness to him.”
“Please. Masyado naman kayo. Huwag naman. If you continue with that practice, I assure you, you will be clashing with my office. Stop it!!!! If you are authorized by the President, say so. and I will abide by the decision of the President. Otherwise, we will clash,” ayon pa kay Enrile.
Ayon kay Defensor, nakausap na niya si Enrile at nilinaw ang dahilan kung bakit siya nasa pulong ng MMDA.
“Klinaro ko kay Manong Johnny kung ano ang naging participation ko during that meeting. First of all, I’m not an official, I'm not a consultant at hindi ako nagho-hold ng office sa MMDA, that is prohibited by law,” sabi ng dating kongresista na tumakbong alkalde ng Quezon City sa nagdaang halalan pero hindi nanalo.
“Nagkataon lang, doon sa meeting na ‘yon, ang pinag-uusapan ay balik-eskwela. Because of my experience in the past, nung ako'y Chief of Staff, parati naming ginagawa ang balik-eskwela program," patuloy niya.
Sinabi rin ni Defensor na kaibigan niya si Dimayuga kaya handa siyang tumulong at mag-ambag ng kaniyang kaalaman.
“Minabuti ng aking kaibigan at chairman ngayon ng MMDA na si Chairman Engr. Dimayuga, na mag-input ako sa pag-uusap… wala akong suweldo diyan kahit singko at patuloy akong tumutulong kahit anong ahensya ng gobyerno,” paliwanag niya.
Sinabi naman ni Dimayuga na inimbitahan niya si Defensor upang humingi ng payo tungkol sa mga programa na may kinalaman sa pagbubukas ng klase at sa trapiko.
“Ako naman po ay bago pa lang dito sa MMDA and nature ko po kasi magtanong sa mga kaibigan at humingi ng advice kung ano ang naiisip nila para mas mapaganda ang traffic... so si Mike is a good friend and I just asked for his advice. But he is not connected with the MMDA. Ginagawa ko rin naman yun with other secretaries at ibang kaibigan na may experience with traffic,” ayon kay Dimayuga.
Sa Facebook post, sinabi ni Defensor na patuloy siyang tutulong sa kasalukuyang administrasyon bilang isang pribadong tao.
"Parati nating sinasabi na puwede naman tayong tumulong kahit wala sa posisyon. Hindi naman siguro masama kung sa aking maliit na kaalaman sa gobyerno ay makapag-ambag ako sa mga panahon ng pangangailangan," saad niya.
Sa ilalim ng batas, maaari lamang humawak ng puwesto sa gobyerno ang isang kandidatong natalo pagkaraan ng isang taon matapos ang halalan.
Tumanggi naman ang Malacañang na magkomento tungkol sa usapin.--FRJ, GMA News