Sa kulungan ang bagsak ng isang jeepney driver at isa sa kaniyang mga kasabwat matapos nilang holdapin umano ang isang pasahero ng sasakyan sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang pagliko ng isang jeep sa kanto ng Brgy. Tunasan ng 5 a.m. nitong Miyerkules.

Nakita rin sa CCTV ang dalawang pasaherong sakay ng jeep, na isa sa likod ng driver habang ang isa ay nasa may bungad.

Makalipas ang ilang saglit, bigla na lamang sinunggaban ng lalaking "pasahero" na nasa bungad ng jeep ang babaeng pasahero na nakapwesto sa likod ng driver.

Dumire-diretso ang jeep bago kumaliwa sa madilim na parte ng kalsada.

Makaraan ang ilang minuto, tumatakbo na ang biktima na may isang kasama para dumiretso sa barangay. Makikitang napaupo pa ang biktima sa harapan ng barangay.

Tumangging magbigay ng pahayag ang biktima pero sinabi ng pulisya na tatlo ang holdaper, na kinabibilangan ng sumunggab, ang nasa tabi ng driver, at ang mismong driver.

"Base sa statement ng biktima, noong pagsakay niya, biglang iniliko na ng driver ng jeep, tapos narinig niya rin na nag-usap na 'yung [mga suspek]. Biglang nag-slide 'yung nasa loob, papalapit sa kaniya, sinakal na bigla. Pagdating sa dulo ng may Sto. Niño Village, madilim na parte rin, doon na inihulog 'yung biktima natin," sabi ni Police Lieutenant Christopher Catamora, OIC, Tunasan Police Substation.

Hanggang sa madaanan ng biktima ang babaeng kasama niya sa CCTV na sinamahan siyang magpunta sa barangay.

Nagsagawa naman agad ng follow-up operation ang Muntinlupa Police kung saan dinakip ang dalawa sa mga suspek.

"Na-backtrack natin ang CCTV, based doon sa description ng biktima. Hanggang sa ma-trace nga doon sa operator, hanggang sa mahuli ang suspek. Jeepney driver ang nahuli, then follow no'n, nasundan na ang isa, 'yung sumakal sa victim," sabi ni Catamora.

Kasalukuyang hinahanap ang isa pa nilang kasabwat.

Nabawi ang dalawang cellphone ng biktima pero hindi na ang kaniyang pitaka na may lamang mga ID at ATM cards.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang salarin, pero hindi sila nakapagbigay ng pahayag. —LBG, GMA News