Nagdulot ng matinding trapiko ang isang 10-wheeler truck na may dalang mga sako ng dumi ng manok matapos itong tumagilid sa C5-Kalayaan sa Makati City nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita, sinabing tumagilid sa may northbound ng kalsada ang truck na may kargang 600 sako ng dumi ng manok.

Hindi nagbigay ng pahayag ang driver ng truck.

"Nawalan po kasi kami ng preno dahil nawala po sa kontrol 'yung driver," paliwanag naman ng pahinanteng si Johndell Estolas.

Bukod dito, sumabog din ang gulong ng truck.

Ayon kay Estolas, galing sila sa San Jose, Batangas ng 9 p.m. at nakatakda sana nilang dalhin ang mga dumi ng manok sa Baguio City para gawing pataba ng mga pananim na gulay.

Itinanggi ni Estolas na nakatulog ang kaniyang driver habang nagmamaneho.

Nagpadala naman agad ng crane ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para itayo ang truck.

"50 kilos po 'yung isang sako, tapos basa pa 'yung iba. Hindi maangat ng crane kasi loaded, nakapatong siya roon sa may sidings kaya kailangan i-unload muna para matanggal natin 'yung obstruction," sabi ni Elvis Cabariban, first responder ng MMDA.

Mano-manong inilipat ng mga rumesponde ang mga sako sa isa pang truck na ipinadala ng kanilang kumpanya.

Umabot ng limang oras ang paghambalang ng truck, hanggang sa maitayo ito sa umaga.

Umabot naman hanggang sa NAIA Terminal 3 ang haba ng traffic, at kinailangang tumawid ng mga motorista sa center island para makalipat sa service road at magtungo pa-northbound. —LBG, GMA News