Huli sa livestream ang pagnanakaw sa suot na alahas ng isang obispo sa New York sa kalagitnaan ng kaniyang sermon.
Ayon sa ulat ng Reuters, kita sa video na nagsi-sermon si Bishop Lamor Whitehead ng Leaders of Tomorrow International Ministries nang biglang pumasok sa simbahan ang dalawang armadong lalaki na nakasuot ng itim na damit at may takip ang mga mukha.
Kita rin sa video na lumapit ang dalawang suspek kay Whitehead na agad namang dumapa. Bago tumakas, kinuha ng mga suspek ang mga alahas ng Obispo.
Nag-post naman ng video sa Instagram si Whitehead kung saan sinabi niyang tumakas ang mga suspek lulan ng isang puting Mercedes.
Hindi naman tukoy kung ilan ang tao sa loob ng simbahan nang naganap ang pagnanakaw
Nangako na si New York City Mayor Eric Adams na tutugisin ng mga otoridad ang mga suspek.
“No one in this city should be the victim of armed robbery, let alone our faith leaders and congregants worshiping in a House of God,” ani Adams batay sa ulat ng New York Daily News.
Nag-alok din ng $50,000 pabuya si Whitehead sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa mga otoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
“Y’all don’t get to do that to my family and get away with it,” sabi ni Whitehead sa isang Facebook live.
Dagdag pa niya, aabot sa mahigit $100,000 ang halaga ng mga alahas na ninakaw sa kaniya.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ng New York Police Department, hindi pa tiyak kung magkano talaga ang halaga ng mga nakuhang alahas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News