Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Caloocan City nitong Lunes ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Ferdinand Reyes, 32-anyos, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Nakuhanan ng CCTV ang insidente sa Barangay 14 na naganap pasado alas-dos ng hapon.
Sa video, makikitang may isang lalaking nakapulang jacket na naglalakad at lumilingon-lingon na tila may inaabangan.
Umupo siya sa backride ng isang tricycle.
Nang may dumating na lalaking naka-bisikleta, agad tumayo ang suspek mula sa tricycle at sinundan ito.
Pinaputukan ng suspek ng bala ng baril ang lalaking naka-bisikleta, at pagkatapos ay sumakay ito sa isang motor na minamaneho ng isa pang hindi kilalang suspek. Dali-dali silang umalis sa crime scene.
Anim na basyo ng bala ang nakuha mula sa crime scene.
Ayon sa source ng GMA News, dati nang nakulong ang biktima noong 2019 dahil sa kasong patungkol sa ilegal na droga.
Onsehan sa droga ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya bilang posibleng motibo ng mga suspek sa krimen.
Tinutugis na ng pulisya ang mga suspek.
Nakikipag-ugnayan naman ang Caloocan Police sa Navotas Police para sa imbestigasyon sa insidente. —KG, GMA News