Nahaharap sa samu't saring reklamo ang isang tricycle driver matapos siyang magtangkang tumakas at makaladkad ang isang traffic enforcer na sumita sa kaniya sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa CCTV footage ang pagsita ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa mga tricycle na ilegal na nakaparada sa bangketa sa Abad Santos at Hermosa Street sa Barangay 374 pasado 9 a.m. nitong Huwebes.
Nang simulan ng isang tauhan ng MTPB ang pagsita sa mga nakaparadang tricycle, biglang sumubok na umandar ang isang tsuper na kinilalang si Jomar Flordeliza.
Habang hinihingi ng tauhan ng MTPB na si Andrei Lelis ang lisensya at mga papeles ni Flordeliza sa harap ng pila ng mga tricycle, biglang pinaandar ng suspek ang tricycle at tinangkang humarurot paalis.
Dahil dito, nakaladkad si Lelis nang habulin niya ito.
Lumabas sa imbestigasyon ng Special Mayor's Reaction Team (SMaRT), at base na rin sa paliwanag sa kanila ng tsuper, sumabit ang kapote ng enforcer sa tricycle kaya siya nakaladkad.
"Nang hinanapan nila ng mga kaukulang dokumento at sumampa nga itong ating suspek, at sinuksok niya doon sa susian at noong tangkang aagawin na rin ng ating mga enforcer dahil iiimpound nga ito, tinabig niya 'yung kamay ng enforcer at sumampa siya, pinaandar niya 'yung motor from sidewalk," sabi ni Police Major Edward Samonte, deputy chief ng SMaRT.
Dagdag pa na ng Manila SMaRT, nadakip ang suspek noong mismong araw ding iyon.
"Ayon sa imbestigasyon natin doon sa suspek, napatigil na lang siya dahil sa marami nang sumisigaw at napansin niya marami na ring humahabol sa kaniya. Ang alibi niya, hindi niya akalain na nakasabit na pala itong damit ng ating enforcer. So huminto siya, hanggang sa naposasan siya nitong ka-buddy ng ating enforcer," ayon pa kay Samonte.
Dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang enforcer, na nagtamo ng mga galos.
Sinabi ng SMaRT na hindi na kinailangang i-confine si Lelis.
Na-inquest na ang tsuper para sa reckless imprudence resulting in physical injuries at resistance and disobedience to person in authority. —Jamil Santos/VBL, GMA News