Isang lalaki ang umakyat sa entablado at tinangka umanong saksakin ang isang U.S. congressman na tumatakbong gobernador ng New York habang nangangampanya sa Fairport.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nakaligtas si Congressman Lee Zeldin sa naturang pag-atake nitong Huwebes at naaresto ang suspek na kinilalang si David Jakubonis, 43-anyos.
Ayon sa Monroe County Sheriff’s Office, hindi pa malinaw kung ano ang motibo ni Jakubonis sa ginawang pag-atake kay Zeldin.
Sinabi ni Zeldin na nagawa niyang mahawakan ang kamay ni Jakubonis nang umatake ito. Mabilis ding kumilos ang mga kasamahan niya.
"I'm ok ... fortunately, I was able to grab his wrist and stop him for a few moments until others tackled him," anang kongresista.
"His words as he tried to stab me a few hours ago were 'you’re done'," sabi ng Republican politician sa kaniyang post sa Twitter.
Nagpasalamat din siya sa kapuwa pulitiko na si Alison Esposito na tumulong sa kaniya.
Sa video footage na ipinost sa social media ng ilang nakasaksi, makikita ang suspek na nakasuot ng itim na baseball cap at mabilis na lumapit kay Zeldin mula sa gilid ng stage.
Naitulak ni Zeldin ang suspek na nakaipit sa kamay ang kakaibang uri ng armas bago sila parehong bumagsak sa sahig ng entablado, at sinunggaban na si Jakubonis.
"Political scores should be settled at the ballot box, not on stage at campaign events trying to violently attack candidates you disagree with. This is not ok," sabi ni Zeldin.
Sinampahan si Jakubonis ng reklamong second degree attempted assault, ayon sa pahayag ng sheriff's office .
Ayon sa tagapagsalita sa kampanya ni Zeldin na si Katie Vincentz, tinapos ni Zeldin ang kaniyang talumpati matapos ang insidente at pinasalamatan ang mga awtoridad.--Reuters/FRJ, GMA News