Pinuri ng mga opisyal ang 22-anyos na "good samaritan" na nakipagbarilan sa 20-anyos na lalaki na namaril sa foodcourt ng isang mall sa Greenwood, Indiana. Sa dami ng bala at mga baril na dala ng suspek, maaaring mas marami umano ang napahamak. Pero naiwasan ito dahil sa katapangan ng lalaking itinuturing ngayon na "bayani."
Sa ulat ng Reuters, kinilala ni Greenwood Police Chief Jim Ison ang "good samaritan" na si Elisjsha Dicken. Habang ang suspek na nakapatay ng tatlo katao at nakasugat ng dalawang iba pa ay si Jonathan Douglas Sapirman.
Armado ng maigsing baril si Dicken, kontra sa mas armadong si Sapirman na may dalang rifle at isang handgun, at mahigit 100 bala.
“His actions were nothing short of heroic,” sabi ni Ison sa pulong balitaan. Sa dami ng bala ni Sapirman, posibleng mas marami umano ang napahamak kung hindi kumilos si Dicken.
“He engaged the gunman from quite a distance with a handgun. He is very proficient in that and tactically sound," sabi pa ng opisyal.
Habang lumalapit umano si Dicken kay Sapirman, sinisenyasan umano nito ang mga tao na lumabas at sa likuran niya dumaan.
"To our knowledge he has no training and no military background," sabi pa ni Ison.
Hindi pa malinaw sa mga awtoridad ang motibo ni Sapirman sa ginawang pamamaril.
Bago ang pamamaril, lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na mahigit isang oras namalagi sa banyo ang suspek. Posible umano na nagtagal sa banyo ang suspek dahil sa ginawang paghahanda sa kaniyang gagawin.
Matapos ang engkuwentro, sinabi ni Ison na sumuko si Dicken sa mga pulis. Sa una, pinosasan umano ang "bayani" at kinumpiska ang kaniyang baril.
Pero napatunayan naman sa CCTV footage ang ginawa niyang paglaban sa suspek.
Samantala, isasailalim sa pagsusuri ang nakuhang cellphone at laptop ni Sapirman mula sa kaniyang bahay.
Ang edad ni Sapirman ay hindi nalalayo sa edad ng iba pang suspek sa iba pang mass shooting incident sa Amerika na magkakasunod na naganap ngayon lang taon.
Sa Highland Park, Illinois, July Fourth parade shooting kung saan pito ang nasawi at marami ang nasugatan, 21-anyos ang naarestong suspek na si Robert Crimo III.
Labing-walong taong gulang naman si Salvador Ramos, ang suspek sa pamamaril sa isang elementary school sa Uvalde, Texas, kung saan 19 na batang mag-aaral at dalawang guro ang nasawi.
Sa nangyaring pamamaril sa isang supermarket sa Buffalo, New York kung saan 10 katao ang nasawi, 18-anyos din ang suspek na si Payton Gendron.--Reuters/FRJ, GMA News