Itinuturing "hero" ang isang 22-anyos na sibilyan na may baril matapos niyang mapatay ang suspek na nauna nang bumaril at nakapatay sa tatlo katao sa food court ng isang shopping mall sa Indiana, USA.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang insidente sa Greenwood Park Mall. Dalawang iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Greenwood Police Chief Jim Ison, isang sibilyan na tinatayang 22-anyos ang bumaril at nakapatay sa suspek.
"The real hero of the day is the citizen that was lawfully carrying a firearm in that food court and was able to stop the shooter almost as soon as he began," sabi ni Ison.
Ayon sa pahayagang Indianapolis Star, armado ng mahabang baril at mga magazine na may bala ang suspek.
Hindi inihayag ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktima, suspek, at ang sibilyan na itinuturing bayani.
Nagkagulo at kaniya-kaniyang tago umano ang mga mamimili at mall employees nang madinig ang mga putok ng baril.
Ito ang pinakabagong insidente ng pamamaril sa pampublikong lugar. Sa harap ito ng umiinit ng diskusyon sa US sa maluwag umanong patakaran sa pagmamay-ari ng baril.
Kamakailan lang, ilang dumadalo sa Independence Day parade sa Illinois ang nasawi matapos mamaril ang isang salarin na naaresto ng mga awtoridad.—Reuters