Nasa 60 sasakyan--kabilang ang mga SUV-- ang nasita sa patuloy na operasyon laban sa ilegal na paggamit ng "wang-wang" sa Makati City. May tinekitan ding ambulansiya na hindi naman tiyak na pasyente ang mga sakay sa Parañaque.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing pinara ng mga tauhan ng InterAgency Council for Traffic (I-Act) sa Macapagal Boulevard sa Parañaque City ang ambulansiya na ilang araw na nilang napapansin na nagwa-wang-wang at panay ang counterflow.
Nang inspeksyunin ang sakay, nakita ang 10 katao na nagsisiksikan sa loob, kabilang isang sanggol at isang bata.
May nagsabi sa sakay na pupunta sa ospital, nagsabi naman na magdo-donate ng dugo, habang tahimik naman ang karamihan.
Ayon sa I-Act, magkakaiba ang sinasabi ng driver ng ambulansiya at mga sakay kung saang ospital sila pupunta. Kaya pinababa na lang ang mga sakay ng ambulansiya habang tinekitan ang driver nito.
Bukod kasi hindi nakasuot ng seatbelt ang driver, wala pa siyang dalang OR-CR ng sasakyan. Ayon sa I-Act, karaniwan na silang nakakakita ng mga abusadong ambulance driver pero hindi nila kaagad masita.
Sa hiwalay na ulat naman ni John Consulta, sinabing nagsagawa rin ng operasyon kontra-wang-wang ang mga tauhan ng Highway Patrol Group sa Makati City.
Kabilang sa mga nasita ay mga SUV, mga kawani ng gobyerno, at may nagpakilala pang empleyado ng isang senador.
Ang isang nasitang SUV, nagmatigas na hindi ipapaalis ang kaniyang wang-wang at blinker.
“Hinahanapan pa kami ng mission order, nagmamatigas ayaw sumunod sa atin. Hintayin natin siyang lumambot, maghapon siya diyan nakatambay,” sabi ni Police Colonel William Segun, deputy director PNP-HPG.
Batay umano sa mga natatanggap na impormasyon ng HPG, marami sa mga sasakyan na may “wang-wang” at blinkers ay mula sa executive subdivisions, ayon kay Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, Chief of HPG-NCR.
Kinukumpiska lang muna sa ngayon ang mga wang-wang at blinker. Pero may kasama nang multa at kulong kapag muling nahuli ang motorista.—FRJ, GMA News