Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na officer-in-charge ng Department of Health (DOH) si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Inanunsyo ito ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa panayam sa state-run PTV-4 nitong Huwebes.
Sinabi rin ni Angeles na nominado si dating LRT administrator Mel Robles bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Angeles na mananatili si Vergeire na OIC habang wala pang napipiling kalihim ng DOH kahit makalipas ang isang buwan.
"Tama po kayo na ang MC 1 (Memorandum Circular No. 1.) nagtatalaga lang po ng OIC hanggang sa katapusan ng buwan. Ini-expect po natin na kung wala pang natatalagang pinuno ang DOH before that time ay ie-extend ang pagka-OIC. But titingnan po natin ang mangyayari during that time," ani Angeles.
Nang tanungin tungkol sa pamumuno at trabaho ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, sinabi ni Angeles na patuloy lang ang trabaho nito sa ilalim ng bagong administrasyon.
Si Vergeire ay kasalukuyang undersecretary for Public Health Services Team ng DOH, Office of the Chief of Staff, at spokesperson ng DOH.
"[The] DOH appreciates the President's confidence in one of its career executives, including the immense responsibility such trust brings," nakasaad sa inilabas ng pahayag ng DOH.
"Each and every member of the DOH family shall work together to continue the gains instituted by previous administrations. We look forward to continuing our recovery from the pandemic, and working towards universal health care for all Filipinos," dagdag nito. —FRJ, GMA News