Inaresto ang isang mag-ama matapos umanong magpaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Quezon City. Ang dahilan, hindi raw kasi sila makalabas sa parking dahil may nakaharang.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang mag-ama na sina Richard Padua, at anak niyang si Ralph Christian.
Sinasabing si Richard umano ang nagpaputok ng baril ng tatlong ulit sa parking area ng isang bar sa Timog Avenue sa Quezon City.
Ayon kay Police Leiutenant Colonel Elizabeth Jasmin, Kamuning police station commander, batay umano sa kuwento ng testigo, inilabas ng driver na suspek ang kamay nito na may hawak ng baril at saka nagpaputok paitaas.
Itinago pa nila ang baril sa loob ng makina pero nakita pa rin ng mga pulis.
"Wala naman silang kaaway. Ang dahilan lang ay yung parking area na gusto na nilang lumabas hindi sila makalabas kasi may nakaharang sa kanila," sabi ni Jasmin.
Wala namang tinamaan ng bala sa ginawang pagpapaputok ng mag-ama, na mahaharap sa reklamong alarm and scandal.
Pero may dagdag na reklamong illegal possession of firearms para sa amang si Richard dahil sa baril.
Hindi na humarap at nagbigay ng pahayag si Richard, pero si Ralph Christian, sinabing wala naman silang nasaktan at naagrabyado.
"Humihingi lang po ako ng pasensiya sa mga nagawa ko, lalo sa pamilya ko na nakaperwisyo po kami. Medyo nakainom din po kasi," pahayag niya habang nasa loob ng kulungan.--FRJ, GMA News