Hiniling ng Department of Health sa Food and Drug Administration na isama na sa mga dapat bigyan ng second booster dose ang mga seafarer at overseas Filipino worker (OFW), ayon sa Vaccine Expert Panel.
Sa Laging Handa briefing nitong Biyernes, sinabi ni VEP member Nina Gloriani, na hindi pa inaaprubahan ng FDA ang pagbabakuna ng second booster sa 'general population.'
“Pero ang pagkakaalam, ang DOH ay may request sa FDA na palawigin o i-expand, especially ang second booster, dito sa seafarers at sa overseas Filipino workers,” ani Gloriani.
“We are recommending that… especially doon sa mga may mga maraming comorbidities kahit hindi sila considered under doon sa dinefine ng WHO na immunocompromised,” dagdag niya.
Una nang isinulong ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na palawigin at isama sa second booster dose ang mga OFW at uniformed personnel.
Umaasa rin si Gloriani na palalawigan ang binibigyan ng second booster doses sa mga taong mayroong comorbidities.
Sa ngayon, tanging mga healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised na mga tao ang maaaring tumanggap ng second booster dose.
Ayon sa DOH, ang mga immunocompromised individuals ay ang mga nasa immunodeficiency state, gaya ng HIV, active cancer o malignancy, transplant recipients, sumasailalim sa steroid treatment, pasyenteng nakaratay, at iba pang immunodeficiency na setipikado ng duktor.
Kabilang sa mga taong may comorbidities o A3 priority group ay nasa 18 to 59 na may “any controlled comorbidity."
“May mga marami pong sakit na maraming gamot na iniinom ay meron din somehow immunocompromised condition po ‘yan. So sana masama na rin ang A3,” ayon sa opisyal.— FRJ, GMA News