Humina pa ang halaga ng piso kontra dolyar at nagsara ang palitan nitong Miyerkules sa P55:$1, ang pinakamahina sa nakalipas na 16 taon.
Natapyasan ng 29 na sentimos ang halaga ng piso sa kalakalan nitong Miyerkules bago nagsara ang palitan sa P55:06:$1, kumpara sa P54.77:$1 nitong Martes.
Ito na ang pinakamahinang halaga ng piso mula noong October 27, 2005 na nagsara sa P55.08:$1.
Ang resulta sa kalakalan sa local stock market ang nakikita ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort, na nakaapekto sa halaga ng piso.
“The latest peso exchange rate movements partly due to the healthy downward correction in the PSEi today, after rising for three straight days, considered a healthy correction,” paliwanag niya.
“The latest currency movements also came after the US dollar corrected higher vs. major global currencies after continued hawkish signals from some Fed officials,” dagdag ni Ricafort.
Noong nakaraang linggo, inihayag ng isang opisyal ng Department of Energy na may kinalaman ang paghina ng piso sa naging pagtaas ng presyo ng diesel at kerosene sa Pilipinas ngayong linggo.—FRJ, GMA News