Si Solicitor General Jose Calida ang uupong chairman ng Commission on Audit (COA) sa ilalim ng Marcos administration.
Inanunsiyo ito ni incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles ngayong Miyerkules.
Taong 2016 nang hirangin ni outgoing President Rodrigo Duterte si Calida bilang Solicitor General. Magtatapos ang kanilang termino sa darating na June 30.
Kabilang sa mga posisyon na dating hinawakan ni Calida ay ang pagiging undersecretary ng Department of Justice noong 2001 hanggang 2004. Naging executive director din siya ng Dangerous Drugs Board.
Sa nakaraang ulat ng COA, kabilang si Calida sa mga opisyal ng pamahalaan na may pinakamalaking kinita noong 2021. Nasa pang-12 posisyon si Calida sa naturang COA report na may P16.59 million income.
Samantala, sinabi rin ni Cruz-Angeles na si Jose Arnulfo "Wick" Veloso, ang magiging presidente ng Government Service Insurance System (GSIS).
Si Veloso ang kasalukuyang presidente ng Philippine National Bank. Dati siyang chief executive officer ng HSBC Philippines. —FRJ, GMA News