Nahuli-cam ang pagbangga ng isang motorista sa isang Manila traffic enforcer na humabol sa kaniya dahil sa paglabag sa batas-trapiko. Sinubukan pa raw takasan ng motorista ang enforcer pero nauwi sa aregluhan ang lahat, bagay na ikinagalit ng boss ng enforcer.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa amateur video na sakay ng motorsiklo ang traffic enforcer na natumba sa kalsada matapos masagi ng motorista na hinabol niya.
Nangyari umano ang insidente noong June 18, at hinabol ng enforcer ang motorista matapos na mag-beat the red light.
Inabutan ng enforcer ang motorista sa panulukan ng Quirino Avenue at San Marcelino Street, at doon na nangyari ang pagkakasagi sa motorsiklo.
Tinangkang harangan ng enforcer ang motorista pero umangkada pa rin. Muli itong hinabol hanggang sa maharang at mapatigil na.
Pero sa halip na tiketan ang motorista, nauwi raw sa aregluhan ang sitwasyon sa halagang P4,000; bagay na hindi ikinatuwa ni Director of Manila Traffic and Parking Bureau Dennis Viaje.
“Lagi ninyong ilalagay sa isip ninyo pera lang 'yan. Masipag ka lang, kikita ka pero yung pagkatao huwag mong ipagbibili,” sermon ni Viaje sa enforcer nang ipatawag niya sa opisina.
Naawa raw ang traffic enforcer nang makita na matanda ang nagmamaneho kaya pumayag na lang siyang magpaareglo at hindi na tinekitan ang driver.
“Ang sabi kasi ng sa akin, sa sobrang nerbiyos niya hindi niya na alam ang gagawin niya,” ayon sa enforcer. "Humihingi po ako ng paumanhin sa inyo. Alam ko po na may pagkakamali po talaga ako.”
Pero hindi kontento si Viaje sa paliwanag ng kaniyang tauhan lalo pa't hindi niya tinekitan ang motorista sa ginawang mga paglabag.
“Baka tanggalin ko pa 'yan sa gigil ko. Kasi hindi mo na mahal pagkatao mo,” ani Viaje.— FRJ, GMA News