Madadagdagan ang gastos ng ilang manggagawa na tumatangkilik sa "Libreng Sakay" ng pamahalaan sa ilang public utility jeepneys (PUJs) at mga bus sa Metro Manila dahil unti-unti nang itinitigil ang naturang service contracting program.
Sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakasaad na 146 National Capital Region public utility jeepney (PUJ) cooperatives ang corporations ang titigil na sa libreng sakay pagsapit ng June 30.
“For the buses, Busway will end by July pa as well as Commonwealth Route 7 bus from Montalban to Quezon Avenue,” ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion.
Nitong Abril 11 nang ibalik ng EDSA Busway Carousel ang libreng sakay sa mga pasahero sa ilalim ng third phase ng service contracting program ng Department of Transportation’s (DOTr).
Sa ilalim ng service contracting program, ang mga PUV operators and drivers na kabahagi sa programang libreng sakay ay makatatanggap ng one-time payout at weekly payments na batay sa kilomtro na kanilang ibiniyahe may pasahero man o wala.
Kabilang sa mga kasama sa naturang mga programa ay ang mga moderno at tradisyunal na jeepney, UV Express, at mga bus.
Ayon sa DOTr, mayroong P7-bilyon na pondo ang programa sa General Appropriations Act (GAA) of 2022, na sakop ang paunang 515 bus sa kabuuang 532 units na nakarehisto sa programa.
Samantala, matatapos din sa June 30 ang libreng sakay ng DOTr sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).
Ipapaubaya na umano sa papasok na administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos kung ipagpapatuloy pa ang programa.— FRJ, GMA News