Pinadapa ng Golden State Warriors ang Boston Celtics sa iskor na 103-90, at inangkin ang kampeonato sa 2022 NBA Finals sa mismong teritoryo ng huli.
Tinapos ng Warriors sa 4-2 ang best-of-seven championship series, at naging pangalawang koponan na inangkin ang kampeonato sa mismong teritoryo ng Boston, na nagawa rin ng Los Angeles Lakers noong 1985.
Ang panalo ang ika-apat na kampeonato ng Warriors sa loob ng walong taon, at ikapito sa franchise history.
Pinangunahan ni Steph Curry ang Warriors na umiskor ng 34 puntos, at kumamada pa ng pitong rebounds at pitong assists.
Nag-ambag naman si Andrew Wiggins ng 18 puntos, at 15 puntos ang kinamada ni Jordan Poole para sa Golden State.
Kumabig naman si Draymond Green ng 12 puntos, 12 rebounds, walong assists, dalawang steals, at dalawang blocks.
Si Jaylen Brown, ang nanguna sa koponan ng Celtics na nakagawa ng 34 puntos.
Nagpakita agad ng bangis ang Warriors sa first half nang lumamang ng 15 puntos bago ang break 54-39. Lumobo pa ang lamang sa 22 puntos sa third period, bago rumemate ang Celtics ng 15-2 run at naidikit ang laban sa 74-65, lamang pa rin ang Warriors.
Gayunman, hindi na nagpatinag sa fourth period ang Warriors at tuluyan nang winalis ng Western Conference champs ang serye at inangkin ang kampeonato.—Agence France-Presse/FRJ,GMA News