Isang lalaki ang nasawi matapos siyang tamaan ng kidlat habang nagbibisikleta sa Taytay, Rizal nitong Martes ng hapon.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing pauwi na mula sa trabaho bilang construction worker nang tamaan ng kidlat ang biktimang si JR Urcia.

Malakas umano ang ulan nang mangyari ang insidente at nasa isang kilomentro na lang ang layo ng biktima mula sa kanilang bahay.

Nasaksihan ni Antonio Cano ang nangyari sa kaniyang kasamahan na si Urcia. Aniya, nagmamadali sila ng biktima na makauwi ng bahay sakay ng kani-kanilang bisikleta.

“Siguro kung isang dipa lang ang agwat namin, sapul talaga ako. Kasi malayo-layo eh. Mga tatlong dipa ata. Inabot pa nga ako eh. Tumalsik ako sa lakas ng impact,” ayon kay Cano.

Nagdadalamhati ang pamilya ni Urcia, na mayroong dalawang anak, na ang bunso ay limang-buwang-gulang pa lang.

“Sabi ko sa kanya, laban. Laban ka kasi inaantay ka ng mga anak mo,” umiiyak na pahayag niArjay Pepito, kinakasama ni Urcia.

“Ang liliit pa ng anak namin. Magbi-birthday pa po ito sa November 1. Mag-aaral pa po ‘yan… hindi po namin alam paano na,” saad niya.

Nangyari ang insidente ilang oras matapos mag-anunsyo ang PAGASA ng thunderstorm advisory sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan--kabilang ang Rizal.

Paalala ng state weather bureau sa publiko, makabubuting sumilong mula kung mayroong mga pagkulog at pagkidlat.

Huwag ding gumamit ng mga mobile phone, lumayo sa mga bakal, at huwag sumilong sa ilalim ng puno.

“Mas malaki ang chance na tatamaan tayo ng kidlat kapag nasa open area tayo kumpara kung nakasilong tayo,” sabi ni PAGASA meteorologist Chris Perez. --FRJ, GMA News