Kahit may mga testigo ang binawi ang testimonya laban kay Senador Leila de Lima, inihayag ng Department of Justice (DOJ) na itutuloy pa rin ang pagdinig sa kaso ng mambabatas na inaakusahang sangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inihayag ng DOJ prosecution panel na walang saysay ang ginawang pagbawi ng mga testigo sa kanilang mga testimonya hanggang hindi sila naihaharap sa korte para masuri.

“After a thorough review of the evidence already presented as well as evidence still to be presented, there is good reason to continue the active prosecution of the senator,” sabi ni Guevarra sa mga mamamahayag.

“In any event, the final say on the disposition of the cases rests on the judge alone and no other,” dagdag niya.

Muling ipinanawagan ang pagpapalaya kay De Lima matapos bawiin ng ilang testigo tulad nina self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at dating Bureau of Corrections official Rafael Ragos, ang testimonya nila na nagdidiin sa senador na may kinalaman umano sa kalakaran ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison noong kalihim pa siya ng DOJ.

Binawi rin ni Marcelo Adorco, bodyguard ni Espinosa, at Ronnie Dayan, driver ni De Lima, ang mga testimonya nila laban sa senadora.

Sa isang pahayag, sinabi ng legal team ni De Lima na walang silbi ang ginawang pagrepaso sa kaso ng kanilang kliyente ng DOJ panel. Ito ay kung ang nagsagawa umano ng pag-aaral ay ang kaparehong lupon ng prosekusyon na batid umano na sa simula pa lang ay puro kasinungalingan na ang testimonya ni Ragos.

"If the review was done by the same DOJ Panel of Prosecutors whom Ragos said were perfectly aware that his testimony was just manufactured and all lies, then the review is worthless. The review should be undertaken by prosecutors who are not tainted by Ragos' accusation of participating in the manufacture of evidence," anang legal team ng senadora.

Samantala, nanindigan naman ang convicted drug dealer na si Herbert Colanggo na hindi niya babawiin ang kaniyang testimonya laban sa senadora.

Sa tweet, sinabi ni De Lima na wala siyang sama ng loob sa “convicted criminals who were coerced or bribed to falsely testify” laban sa kaniya.

“But when this is done with relish and gusto, like how Herbert Colanggo seems to enjoy the spotlight, whether when speaking to the media or on the witness stand, then that is another matter altogether," ani De Lima.

“Colanggo is actually savoring every moment of his role in this charade, while showing his handlers that his performance is worth every bribe and privilege that they promised him,” dagdag niya.— FRJ, GMA News