Wasak ang ilang concrete at plastic barriers sa paanan ng Quezon Avenue flyover sa EDSA matapos araruhin ng isang pickup nitong Martes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Unang Balita, natanggalan ng gulong ang sasakyan at tumagas pa ang langis nito sa kalsada.
Hindi naman nasaktan ang driver ng pickup na si Jovy Saulog na kilalang motocross rider.
Aminado si Saulog na nakaidlip siya habang nagmamaneho.
"Medyo late na kasi kaya nakaidlip ako," ani Saulog na isinailalim sa liquor test. "Pag-gising ko nabangga na ako."
Nagdulot ng mabigat na trapiko ang insidente. —KBK, GMA News