Kasabay ng pagkansela sa driver's license, pinangalanan na ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes ang pinaniniwalaang driver ng SUV na nakabundol at nanagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.
Tinanggalan na ng karapatan para makapagmaneho si Jose Antonio V. San Vicente, matapos na ilang beses niyang hindi siputin ang pagdinig sa LTO kaugnay sa kinasangkutang insidente.
Lumitaw din sa record ng LTO na tatlong beses nang nadakip noon si San Vicente matapos masangkot sa iba pang reckless driving incidents na nangyari noong 2010, 2015, at 2016.
“Taken as a whole, his actions are tantamount to the acts of an improper person to operate a motor vehicle pursuant to Section 27 (a) of Republic Act (R.A) 4136 otherwise known as the ‘Land Transportation and Traffic Code’,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng LTO.
“The Non-Professional Driver’s License of Mr. San Vicente was ordered revoked pursuant to Section 27 of R.A. 4136 and he is perpetually disqualified from securing a driver’s license and driving a motor vehicle,” patuloy niyo.
Nauna nang pinadalhan ng mga show cause order si San Vicente na nakarehistrong may-ari ng RAV4 na may plakang NCO 3781, na nahuli-cam na nakabundol at ginulungan pa ang security guard na si Christian Joseph Floralde, habang nagmamando ng trapiko.
Una rito, nagpatupad ang LTO ng 90-days suspension sa lisensiya ng may-ari ng SUV. Hindi pa malinaw kung ang nakarehistrong pangalan sa sasakyan ang siyang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang insidente.
Makaraang isnabin ni San Vicente ang pagdinig ng LTO, nagpasya ang tanggapan na parusahan siya batay na rin sa mga nakalap na ebidensiya.
Ayon sa LTO, nagkasala si San Vicente sa paglabag ng Section 55 (Duty of driver in case of accident) sa ilalim ng R.A. 4136 nang iwan niya ang biktima sa kalye.
“Together with his disregard for the authority of the LTO, his acts are considered unacceptable behaviors of a driver,” sabi pa ng LTO.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na dapat magkaroon na ng arrest warrant laban sa driver ng SUV sa halip na pakiusapan itong dumalo sa pagdinig.
“Instead of inviting, instead of asking for attendance, or expecting them to attend, there should be an order of arrest. Ganun ang thinking ko. Blatant, kitang-kita, sobra. A good driver will not do that,” ani Sotto sa mga mamamahayag sa press briefing.
“Yun lang aso o kaya pusa, iiwasan mo, di ba? Ito, tao eh. Anong klase yun? Why are we using kid’s gloves pagka ganun, that’s my point,” dagdag ni Sotto.
Nagbabala ang senador na magiging masamang halimbawa ang nangyari sa security guard kung hindi maaresto ang driver ng SUV.
“It is a bad sign to the people. It is a bad sign to other drivers na okay lang pala eh, di ba? Kaya hindi maganda, kailangan talaga kumilos ang awtoridad. People might think that they are incompetent,” sabi pa ni Sotto.— FRJ, GMA News