Pinasok sa loob ng bahay ng dalawang salarin at pinagbabaril ang isang lalaking negosyante sa Quezon City. Sugatan ang biktima, at nadamay pa ang dalawa niyang anak na parehong nasawi.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video sa loob ng isang subdibisyon sa Novaliches, Quezon City, kung saan nakatira ang biktimang si Mitchell Zamora.

Sa kuha ng CCTV camera, nahuli-cam ang pagdating ng mga salarin na sakay ng isang motorsiklo. Hindi na makikita sa video, pero pumasok ang mga salarin sa nakabukas na gate ng bahay at pinuntirya ang kanilang target.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nasugatan ang biktima pero nakapasok umano ito sa loob ng kuwarto at nagkulong.

Muling nagpaputok ang mga salarin sa pintuan at doon na tinamaan ang mga anak niya na nasa loob din pala ng kuwarto.

"Then 'yung pinto nu'ng bahay nandu'n pala yung dalawang anak," sabi ni Police Lt. Col. Vicente Bumalay, commander ng Station 6 ng Quezon City Police District.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang bata, habang pumanaw dakong 8:30 p.m. noong June 10 ang isa pa.

Nasa intensive care unit naman si Zamora.

Samantala, nakita naman sa CCTV ang pagtakas ng dalawang salarin sakay ng motorsiklo. Pero bago lumabas ng subdibisyon, iniwan nila ang motorsiklo at lumipat sa isang kotse.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.—FRJ, GMA News