Pinasaringan ni Acting Philippine National Police (PNP) chief Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. ang may-ari o driver ng SUV na nakabundol at nakasagasa ng isang security guard sa Mandaluyong noong nakaraang linggo dahil sa patuloy na hindi pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

"Tsina-challenge kita, Mr. San Vicente. Ayaw mo sumurrender, tama? Isa lang sasabihin ko sa'yo: Baka adik ka. Bakit ayaw mo sumurender?" sabi ni Danao sa ulat ni Chino Gaston sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes.

Sinabi ni Danao na naisampa na ang reklamo laban sa suspek at hinihintay nilang lumabas ang warrant ng korte para arestuhin ito.

"Because no person in his right senses will do that. Nakabangga ka na nga ng tao, imbis na tulungan mo lalo mo pang sinagasaan. Anong klaseng utak 'yan? Baka gumagamit ka [ng droga] kaya ayaw mo sumurrender. Remember, the PNP already filed a case against you," sabi pa ni Danao.

Sinabi rin ng opisyal na hindi ito ang unang pagkakataon na may kinaharap na reklamong reckless driving ang may-ari ng sasakyan.

Hindi pa malinaw kung ang nakarehistrong may-ari ng SUV ang siyang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente.

Pero nagtataka si Danao kung bakit hindi nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang may-ari ng sasakyan at ang anak nito na unang napaulat na umano'y nagmamaneho ng sasakyan na nakasagasa security guard.

Pinabulaanan din ng acting PNP chief ang mga hinala na may koneksyon sa gobyerno ang may-ari ng sasakyan.

Bukod sa hindi pagpapakita sa pulisya, dalawang beses na ring inisnab ng may-ari ng SUV ang pagdinig ng Land Transportation Office (LTO)—FRJ, GMA News