Sinabi ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na posibleng ibalik ang Alert Level 2 kapag magpapatuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Nananatiling nasa Alert Level 1 ang Metro Manila hanggang June 15. Gayunman, may ilang lugar na nakitaan ng pagtaas ng hawahan katulad ng Quezon City.

“The possibility would always be there ‘pag nag tuloy-tuloy po ang mga kaso,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa panayam sa radyo nitong Lunes.

Sa ilalim ng Alert Level 2, ilang establisimyento at aktibidad ang papayagan lang sa 50% capacity indoors para sa fully vaccinated adults at 70% capacity outdoors.

Nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 308 na mga bagong COVID-19 cases, pinakamataas mula noong Abril 20.

Mayroon ding apat na araw na magkakasunod na mahigit 250 ang mga naging bagong kaso ng COVID-19.

Nagkaroon na rin noon ng bahagyang pagtaas ng mga kaso ng virus pero nauna nang inihayag ni Vergeire na hindi iyon nagtuloy-tuloy.

“Pero  ang kailangan po maintindihan ng ating mga kababayan, we are learning to live with the virus. Alam po natin hindi aalis ang virus na ito. It will stay with us,” paalala niya.

Sinabi pa ng opisyal na ang mga mild at asymptomatic cases ay maitatawag na “acceptable.”

Ayon kay Vergeire, sa Metro Manila, 14 sa 17 lugar ang nagkaroon ng mga pagtaas ng kaso.

“Ang pinakaimportante, hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and critical na mga kaso at hindi pa din nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital by observing kung meron man increase of admission,” paliwanag niya.

Nilinaw din ni Vergeire na ang "warning system" ng local government units ay iba sa alert level system.

Ginawa niya ang paglilinaw makaraang magdeklara ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na ilagay sa "yellow" warning ang COVID-19 alert status.

“‘Yun pong ating mga warning system sa mga local government is different from our alert level system. Our alert level system po nationally, this applies to all areas in the country,” ani Vergeire.

Gumagamit ang QC-LGU ng white, yellow kapag nagkaroon ng pagtaas sa mga kaso ng virus, at red kapag dumami ang mga kaso at mga nadadala sa ospital.

“So nag leak po ang information, but really ang Quezon City was just trying to prepare and guide the public, ‘yung kanilang Quezon City community… hindi po dapat ipangamba,” sabi ng Vergeire.

Inihayag din ni Vergeire na nananatiling low risk sa COVID-19 ang Quezon City. — FRJ, GMA News