May panibagong taas-presyo muli sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Pero higit na malaki ang magiging pasanin ng mga motoristang gumagamit ng diesel.
Sa pagtaya ng oil industry sources, sinabing nasa P4.20 hanggang P4.50 per liter ang itataas sa presyo ng diesel, habang P1.40 hanggang P1.70 per liter naman sa gasolina.
Sa fuel price forecast ng Unioil para sa June 14-20 trading week, sinabi nito na ang presyo ng diesel per liter ay maaaring umangat ng P4.30 hanggang P4.50, at P1.50 hanggang P1.60 per liter naman sa gasolina.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, ang mga dahilan sa naturang pagtaas pa ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga sumusunod:
*Panahon ng summer sa northern hemisphere countries mula June hanggang September
*Pagluwag ng lockdown sa China
* Ang European Union ban sa Russian oil imports
Sinabi pa ni Abad na, “However there is an emerging report that China is going back again to lockdown which can offset this increasing trend or possibly roll back after next week.”
Karaniwang ipinatutupad mga oil companies ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Martes, isang matapos nila itong ianunsyo sa Lunes.
Nitong nakaraang linggo, nagtaas ng P6.55/L sa presyo ng diesel at P2.70/L sa gasolina.—FRJ, GMA News