Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules ang P1 provisional increase sa minimum fare sa public utility jeepneys.

Sa ulat ni Joseph Morong sa "24 Oras," sinabing sakop ng fare increase ang mga bumibiyahe sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.

Sakop ng minimum fare ang unang apat na kilometro ng biyahe.

Inilabas ng LTFRB ang desisyon bunsod ng mga petisyon ng transport group dahil sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo,

Ang mga nagpetisyon sa dagdag-singil sa pasahe ay ang 1-United Transport Koalisyon, Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide o Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Organizations.

Sa pagkakaapruba sa petisyon, sinabi ng LTFRB na, "while the Board recognizes the plight of the Filipino people every time an increase on price of commodities occur, including the cost of public transport, it cannot be insensitive to the clamor and plight of PUV operators and drivers who are responsible in ensuring a steady supply of public transport services."

"It is noteworthy that the PUJ service, to which mode of public transport the petitioners belong, carries the most number of ordinary commuters on a daily basis," dagdag ng LTFRB, na nagsabing kailangan balansehin ang "economic viability of the industry versus the welfare of the riding public."

Nitong Martes, muling nagkaroon ng big time oil price hike na umabot P2.70 per liter sa gas, P6.55 per liter sa diesel, at P5.45 per liter sa kerosene.--FRJ, GMA News