Bitbit ang sako, nilooban ng tatlong holdaper ang isang tindahan ng mga gadget sa Marikina City at nilimas ang mga paninda.

Sa ulat ng Unang Balita, tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng mga gadget na natangay ng mga kawatan.

Nangyari ang pagnanakaw pasado ala-una ng tanghali noong Lunes.

Sa oras na iyon, nasapol sa CCTV ang pagdating ng tatlong lalaki sakay ng dalawang motorsiklo sa tapat ng isang tindahan ng mga gadget.

Pagbaba sa motorsiklo, makikitang iniladlad nila ang mga dalang puting sako at saka pumasok sa establisyimento habang nakasoot ng bonet at helmet.

Ilang minuto pa ang lumipas, naunang lumabas ang dalawa, bibit ang malaking kahon at may laman na rin ang mga sako.

Nahuling lumabas ang isa pa at may bitbit na plastic.

Ang mga lalaki hindi pala mga customer kundi mga holdaper at ang kahon at sako at bag na dala nila ay may lamang mga laptop, tablet, at iba pang gadgets.

Kwento ng isa sa mga empleyado ng tindahan, akala nila ay mga customer ang mga lalaki.

Nilimas ng mga holdaper ang mga gadget matapos nilang makuha ang server ng CCTV.

Sa loob ng 15 minuto, nalimas ang 19 na laptop, limang tablets, dalawang cellphone at isang network video recorder.

Sa tantya ng may-ari ng tindahan, aabot ng mahigit P1 milyon ang halaga ng mga nanakaw.

Dagdag ng may-ari, mag-iisang taon pa lang silang fully operational at karamihan sa mga nanakaw ay for delivery na.

Patuloy na inaalam ng mga pulis kung sino ang nasalikod  ng panghohodap. —LBG, GMA News