Dahil sa nangyaring stampede sa isang unibersidad sa Bolivia na apat katao ang namatay, nabuhay ang usapin sa mga mag-aaral na tumanda na sa pag-aaral. Kabilang kasi sa mga iniimbestigahan ay ang isang 52-anyos na lalaki na 33 taon nang estudyante roon.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing tinawag na "dinasaur students" ang mga estudyante na tumanda na sa pag-aaral na umano'y sinasadyang hindi maka-graduate dahil sa mga pribilehiyo na natatanggap ng mga estudyante lalo na kung may katungkulan sa paaralan.
Noong May 9, sinasabing may nagpasimuno para mag-panic at magkagulo ang mga tao sa amphitheater nang may maghagis ng tear gas sa student assembly sa Tomas Frias university sa Potosi.
Apat ang nasawi at 70 iba pa ang nasaktan sa naturang stampede.
Sa imbestigasyon, lumitaw na may kinalaman sa pagtitipon ang 52-anyos na estudyante na si Max Mendoza, isang student union leader.
Lumitaw na 33 taon nang estudyante si Mendoza, at kahit minsan ay hindi pa nagtapos, ayon kay Hector Arce, isang mambabatas.
Mula 1989, umabot umano sa 200 subject ang ibinagsak ni Mendoza at nagkaroon ng bokyang grado nang mahigit 100 beses.
Bilang presidente ng Bolivian University Confederation, nagpatawag umano si Mendoza ng general assembly para isulong ang pakinabang ng mga kapuwa niya student leaders na tapat sa kaniya.
Bilang student leader, may pinansiyal na suporta o "sahod" na natatanggap mula sa gobyerno si Mendoza.
Inaresto si Mendoza at nahaharap sa kaso kabilang ang pag-abuso sa kapangyarihan at paglulustay ng pondo.
Si Mendoza ay isa lang sa umano'y libo-libong "dinosaurs students" sa Bolivia na tila walang balak na magtapos sa pag-aaral.
Ayon sa local media, maraming estudyante ang sadyang walang balak na magtapos para manatili sa hawak nilang posisyon sa pamantasan at patuloy na makuha ang kanilang benepisyo mula sa gobyerno — kabilang ang discounted health care.
Si Mendoza, nakakatanggap umano ng buwanang sahod na 21,869 bolivianos, o tinatayang $3,150 (mahigit P166,000), bilang pinuno ng executive committee na nakikipag-ugnayan sa higher education institutions sa Bolivia.
Inaakusahan ding "dino student" si Alvaro Quelali, 37-anyos, student leader sa San Andres university sa La Paz, at 20 taon na umanong estudyante.
"In Bolivia, it's a business being a university manager. Why study (and graduate) when you have so many benefits," ani Arce.
Marami umanong estudyante ang may trabaho na pero nakarehistro bilang estudyante para makakuha pa rin ng benepisyo at wala talagang intensyon na mag-aral.
Kapag bumagsak sa final exams, mag-e-enroll lang sila ulit sa susunod na pasukan.
"They're freeloaders, it's a disgrace," sabi ni Gabriela Paz, 20-anyos, mag-aaral sa Faculty of Law and Political Sciences.
"These people stay at university to keep receiving handouts," dagdag ni Mateo Siles, 21-anyos.
Ayon kay Oscar Heredia, pinuno ng San Andres university, may problema rin sa mga karaniwang estudyante na ayaw umalis ng paaralan.
Ang kanilang unibersidad, mahigit 81,000 ang estudyante pero 23% sa kanila ay 11 taon nang nag-aaral, at 6.7% ang mahigit nang 20 taon na estudyante.
Nasa 1,000 umano sa mga ito ay 30 taon nang estudyante at nasa 100 naman ang mahigit 40 taon na.
"It's something that worries us, but it's a broad issue," ani Heredia sa AFP.
Sa Gabriel Rene Moreno university sa Santa Cruz, tatlong porsiyento umano ng 90,000 estudyante ang mahigit 10 taon nang nag-aaral doon.
Dahil sa kanilang sitwasyon, sinabi ni Guido Zambrana, professor of medicine sa San Andres, na "it is important to recognize that we are going through a deep crisis."
Patuloy niya, panahon na para linisin at buwagin ang sistema na tinawag niyang "whole structure of corruption, bad management and the co-management (between students and teachers) that has been deteriorating for decades."
"University is obsolete, it's anachronistic and does not meet the current needs of Bolivia," patuloy niya. —AFP/FRJ, GMA News