Pumalag sina Vice President-elect Sara Duterte at House Deputy Speaker (Basilan) Mujiv Hataman, sa ginawang "pagpuna" ng veteran journalist na si Raissa Robles tungkol sa planong gawing tourist destination ang Mindanao dahil sa pangamba sa kidnapping.
Nitong weekened, nagpalabas ng pahayag si Duterte para sagutin ang naunang social media post ni Robles, na pinuna ang plano ni incoming Tourism Secretary Christina Frasco para palakasin ang turismo sa Mindanao.
Ani Robles, ikatutuwa umano ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang plano dahil magkakaroon ang mga kriminal ng mas maraming “potential kidnap victims."
Para kay Duterte, “grossly discriminated against all Mindanawons, especially those living in Moro communities” ang naging pahayag ni Robles.
Idinagdag ng susunod na pangalawang pangulo na malaki na ang nabawas sa kidnapping cases sa Mindanao mula noong 2016.
“What Robles did was a demonization of Mindanao and an insult to its people, who also deserve to experience the gains of the Duterte administration over the past six years,” sabi ng anak ni outgoing President Rodrigo Duterte.
“Robles clearly wanted to undervalue everything that the Duterte administration has done in keeping the peace and security in Mindanao and ensuring that concerns caused by terrorist organizations, including kidnap for ransom groups, are addressed appropriately with the help of local governments and leaders of communities,” dagdag ng nakababatang Duterte.
Tinawag niya ang pahayag ni Robles na “replete with journalistic recklessness and irresponsibility” at dapat na mahiya umano ito sa sarili “for dangerously trying to stoke and encourage terrorist groups to target tourists in Mindanao.”
'Zero kidnappings sa Basilan-- Hataman
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Hataman na wala nang pangil ang bandidong grupong ASG sa Basilan, lalawigan na itinuturing noon na isa sa mga balwarte ng grupo.
Kabilang ang Basilan sa mga nabanggit ni Robles sa kaniyang post--kasama ang Sulu, bahagi ng Maguindanao, at Lanao del Sur--na dapat umanong kombinsihin ang mga "partikular" na residente at paliwanagan na mas kaiga-igaya ang turismo na gawing kabuhayan kaysa kidnap-for-ransom activity.
"Gusto ko lang linawin na wala nang pangil ang ASG sa Basilan. At ito ay bunga ng maraming taon na pakikipagtulungan ng security forces, lokal na pamahalaan, komunidad at mga imam sa ilalim ng Program Against Violent Extremism na ating inilunsad maraming taon na ang nakakaraan," ani Hataman, dati ring gobernador ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ngayon.
"Ang mga mamamayan ng Basilan ay malaya nang nakakagalaw at nawala na ang takot na noon ay bumabalot sa aming lalawigan. Pinagtulungan namin kung anuman ang kapayapaan na tinatamasa naming mga Basileño ngayon," dagdag niya. "We fought hard for the peace that we are enjoying now, at proud kaming mga Basileño sa achievement na ito."
Inimbitahan ni Hataman si Robles na magpunta sa Basilan para personal na makita ang malaking pagbabago sa seguridad ng lalawigan.
"Sana ay makita ni Ms. Robles na ang plano ng DOT na mabuksan ang Mindanao sa turismo ay isang malaking kampanya na magbibigay ng kahulugan sa pagsisikap ng mga mamamayan tungo sa kapayapaan. Isang hakbang din ito upang lalong ma-isolate ang ASG at terorismo sa aming lalawigan," ayon pa sa kongresista.
'Fragile peace'
Ayon kay Robles, nananatiling "fragile" ang usapin ng kapayapaan at seguridad sa Mindanao.
“Muslim Mindanao has made great effort and progress to achieve peace. But it is still a fragile peace and security, peace and order are still serious concerns in certain parts,” sabi niya sa isang mensahe sa GMA News Online nitong Lunes.
“Certain parts might not yet be ready for that (tourism) and I fear, one misstep, could set back the entire Mindanao. The last known tourist kidnapping took place only in 2019,” dagdag niya.
Noong Oktubre 2019, isang British national at kaniyang asawang Pinay ang dinukot ng mga armadong lalaki sa labas ng beach resort na pag-aari nila sa Tukuran, Zamboanga del Sur.
Sa post ni Robles noong Biyernes, pinuna niya ang umano'y security issues sa ilang bahagi ng Mindanao na maaaring maging “magnet for bandits and kidnappers to prey on unwitting tourists” kaugnay sa plano ng magiging bagong liderato ng DOT tungkol sa usapin ng turismo sa rehiyon.
“The DoT should coordinate closely with the Armed Forces of the Philippines to carefully craft the tourism message and decide which areas are ready for tourism and go from there. The DoT cannot just open up the entire south to tourism. Because if a kidnapping of a tourist in Mindanao takes place, all other tourists spots in the country could suffer from the resulting negative worldwide publicity,” anang mamamahayag.—FRJ, GMA News