Ang mga benepisyado lang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang "first priority" kung sakaling ibalik sa merkado ang state-subsidized at murang NFA rice, ayon kay Agriculture Secretary William Dar.
"First priority lang yung 4Ps," sabi ni Dar sa panayam ng Dobol B TV nitong Biyernes. "Kung meron nang enough supply, maidadagdag natin yung ibang pobre natin."
Nakasalalay din umano sa pondo o ilalagay na subsidiya ng pamahalaan sa National Food Authority (NFA) ang magiging lawak ng distribusyon.
"Kung tataasan pa natin yung subsidiya ng NFA, then i-include na yung mga pobre," anang kalihim. "As we have more budget for NFA, mas marami naman yung ilalabas nila na rice every now and then para sa NFA outlets."
Mas malaking subsidiya, mas marami umano ang mga makikinabang na mahihirap na pamilya sa NFA rice.
Agosto noong 2019 nang alisin sa merkado ang NFA rice.
Una nang sinabi ng DA ang planong ibalik sa merkado ang NFA rice para sa mga mahihirap.
Hindi na rin umano kailangan na amyendahan ang Rice Tariffication Law sa naturang plano.
Ang nabanggit na batas ang nagpapahintulot sa unlimited importation ng bigas ng mga pribadong negosyante kapalit ng mas malaking taripa.
Layunin ng batas na dumami ang bigas sa merkado sa pag-asang magkakaroon ng kompetisyon at bumaba ang presyo ng bigas.—FRJ, GMA News