Nasawi ang isang barangay ex officio matapos siyang panain sa dibdib ng isang lalaki sa Tondo, Maynila. Ang suspek, madalas umanong masangkot sa gulo sa lugar.
Sa ulat ni Nico Waje sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, mapapanood sa video ng Brgy. 144 sa Balut, ang pagdating ng suspek na si Michael Clavio sa tapat ng barangay hall pasado 6 p.m. ng Mayo 10.
Hinubad ni Clavio ang kaniyang tsinelas saka inihampas sa ulo ng isang tauhan ng barangay, at umalis.
Ilang saglit pa, bumalik siya sa barangay hall na may dala nang pana.
Inasinta ng niya ang chairman ng barangay, na nakatago sa poste pero hindi niya tinuloy.
Hanggang sa makita niya ang nakatayong barangay ex-o na si Dominador Fermano, na nasapul sa kaliwang dibdib.
Tumakbo ang suspek at hinahabol ng mga tauhan ng barangay, kabilang ang ex-o na pinana. Gayunman, nakatakas ang lalaki sakay ng motor.
Naidala sa ospital si Fermano, pero nasawi kalaunan.
Ikinasa ang manhunt operation ng Manila Police District at nadakip si Clavio.
Ayon kay Clavio, nagawa niya ang krimen dahil sa galit matapos siyang lokohin umano ng tauhan ng barangay na pinalo niya ng tsinelas sa ulo.
"Nagpapabenta po ako ng mga gamit tapos niloko niya po ako," sabi ni Clavio.
Uminit ang ulo ni Clavio sa iba pang tauhan ng barangay kaya niya nagawa ang pamamana.
"Sa pagsita lang po, hindi po ako nagandahan sa sinabi ng pagsita," anang suspek.
"Madalas itong ma-involve sa kaguluhan noon at malimit din itong maglasing at involved din ito sa paggamit ng illegal drugs," sabi ni Police Major Philipp Ines ng Manila Police District.
Sinabi ni Clavio na dati na rin siyang nakulong dahil sa attempted murder. Ngayon, mahaharap siya kasong murder at frustrated murder. --Jamil Santos/FRJ, GMA News