Walong residente sa Village A, Barangay UP Campus, Quezon City ang nasawi sa naganap na sunog nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang sunog dakong 5:00 am. at tumagal ng dalawang oras.
Gawa sa light materials ang makakadikit na bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Marami sa mga residente ang nabigla sa sunog kaya may ilan na hindi nakapagsalba ng gamit.
Ang walong residente, hindi na nagawang makalabas ng kanilang bahay. Anim sa kaniya ay magkakamag-anak.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), na-trap ang anim na biktima na magkakasama sa passage way. Habang ang dalawa naman ay nakita malapit sa bintana na plano nilang labasan pero doon na sila inabutan ng apoy.
Kabilang sa mga nasawi ang mag-asawang senior citizen at isa nilang apo.
Nasa 80 bahay ang nasunog at nasa 250 pamilya ang apektado.
Sinisiyasat pa ng BFP ang pinagmulan ng sunog. —FRJ, GMA News