Nagtungo sa Leyte si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Biyernes Santo para personal na makita ang pinsalang iniwan ng bagyong "Agaton."
Lumapag ang eroplanong sinakyan ni Duterte sa Ormoc City airport bago nagsagawa ng aerial inspection sa Baybay City, kung saan marami ang nasawi dahil sa mga landslide.
Pinangunahan din ng pangulo ang situation briefing kasama ang opisyal ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan at lokal na lider.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa 137 katao ang nasawi, 28 ang nawawala at walo ang nasugatan.
May kabuuang 1,689,436 katao o 494,607 pamilya ang naapektuhan ni Agaton sa 2,068 barangay sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro, ayon sa NDRRMC. —FRJ, GMA News