Umakyat na sa 133 katao ang nasawi at tinatayang 108 ang nawawala sa nangyaring pananalasa ng bagyong "Agaton" sa Eastern Visayas, ayon sa regional police at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Sa 6 p.m. situational report nitong Huwebes, iniulat ng Baybay City CDRRMO na nadagdagan ng 20 katao ang nasawi sa lungsod para sa kabuuang 101 na pumanaw bunga ng mga landslide na nangyari sa ilang barangay.
Mayroon pa umanong 101 na nawawala sa Baybay City, pero kinukumpirma pa umano ito, ayon sa CDRRMO.
Una rito, sinabi ni Eastern Visayas Regional Police spokesperson Police Colonel Ma. Bella Rentuaya, na mayroon 31 naitalang nasawi sa bayan ng Abuyog, at isa sa Motiong, Samar.
Ayon kay Rentuaya, 89 sa mga nasawi ang natukoy na ang pagkakakilanlan habang mayroon pang 24 na hindi pa nakikilala.
Lima katao pa umano ang nawawala at nasa 236 ang nasugatan sa Eastern Visayas.
Ang bilang ng mga nasawi na iniulat ng regional police at CDRRMO sa Eastern Visayas ay mas mataas kumpara sa 72 na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa rehiyon nitong umaga ng Huwebes.
--FRJ, GMA News